LUCENA CITY, Quezon, September 3 (PIA) -- Muling bubuhayin at palalakasin ang Lucena City Nutrition Council (LCNC) makaraan itong ipag-utos ni Lucena City Mayor Roderick “Dondon” Alcala sa pamamagitan ng isang Executive Order No. RAA- 045-2014.
Sa pamamagitan nito ay hiniling sa mga kinauukulang departamento ng lokal na pamahalaan ang pagtalima ukol sa pagsusulong at pagtiyak ng wastong nutrisyon ng mga Lucenahin dahil na rin sa seryosong problema na kinakaharap ngayon hindi lamang sa lungsod kundi sa buong bansa, kung saan milyong mga batang Pinoy ang apektado ng malnutrisyon.
Base sa isang pag-aaral, lumalabas na ang mga sanggol, mga bata, mga buntis at nagpapasusong ina ang vulnerable o maaaring maging biktima ng malnutrisyon kung saan ilan sa masamang epekto nito ay ang pagbagal ng physical & mental development ng isang bata, pagbaba ng kanilang resistensya na nagiging dahilan upang madali silang kapitan ng mga sakit at kung minsan ay nagdudulot pa ng kamatayan sa mga malalang tinamaan nito.
Kaugnay nito, sa pangunguna ng tanggapan ng City Health ay binuo ang Lucena City Nutrition Council kung saan ang mga miyembro ay kinapapalooban nina Mayor Roderick Alcala bilang Chairman, City Health Officer Dra. Caridad Diamante bilang Vice Chairman, Kon. Benito J. Brizuela, chairman ng committee on Health sa Sangguniang Panglunsod kasama si Konsehala Atty. Rhaetia Marie Abcede-Llaga bilang co-chairman ng Committee on Health sa Sangguniang Panglunsod, DILG City Director Marcial Juangco, Dr. Juvy Paz Purino bilang Representative ng Department of Health, Association of Barangay Captains President Hermilando Alcala Jr., City School Division Supt. Dr. Aniano Ogayon, City Social Welfare & Development Officer Lourdes Maralit, City Agriculturist Melinda Letargo, City Budget Officer Rosalinda Castillo, Mr. Edwin Hernandez mula sa DOLE, Ves McGowan ng PIO, Mr. Nelson Balina ng NFA, Lucena City Parents Teachers Association, City Nutrition Officer Azenith Ramos, City Nutrition Coordinator Jessa Theanne Balagtas, Association of Barangay Nutrition Scholars Ambrosia Lagar, Agricultural Technoligist, Social Welfare officers Rosario Ebron at Emelinda Quinsanos, DEPED-EPS1 TLE/HE Ms. Janelet Fuentes, DepEd School Nurse Nancy Cupo at ang 10 accredited Non Government Organizations and Private Sector sa Lucena.
Kabilang sa mga magiging trabaho ng City Nutrition Council ay ang pagbubuo ng local food and nutrition policies, strategies at iba pa na may kinalaman sa pagpapaunlad ng programa sa nutrisyon.
Inaasahan na sa pagtutulungan ng mga nabanggit na sektor ng pamahalaan ay maisusulong sa lungsod ng Lucena ang wasto at tamang nutrisyon para sa isang malusog na pamayanan ng Bagong Lucena. ( PIO Lucena/ RMO-PIA, Quezon)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=701409726498#sthash.lcr7VwD5.dpuf
No comments:
Post a Comment