Monday, May 22, 2017

Balanse

Balik sa simula, balik sa pangunahing kaalaman o "back to basics", wika nga. Malawak na at mahaba na ang paglalakbay na tinungo ng paghahanda ng pagkain. Ang layunin ay hindi lamang busugin ang tao kungdi palusugin siya. Ang papel ng pagkain ay napakahalaga sa buhay ng tao anumang antas ang kanyang kinabibilangan.

Sa isang kolehiyo, isang guro ang nagsabi sa kanyang mga estudyante " Kung yun bang ibinibili ninyo ng lipstick ay ibinibili na ninyo ng masustansyang pagkain e di hindi kayo namumutla sa gutom". Tataas pa marahil ang grado ng mga ito dahil mas makakaconcentrate sila sa pag-aaral kapag sapat ang kanilang kinakain. Kailangan ng balanse.

May isa namang maybahay na sadyang mahiligin sa mga makabagong istilo ng pananamit at mga sapatos. Ito ay naging obsesyon na kung kaya't ito ang inuunang bilhin kaysa sa pangangailangan ng pamilya. Nang matuklasang kulang ang cash na pambili ay nagcredit card. Pati mga pagkaing binibili ay nakacharge sa credit card. Limitado ang sariwang pagkaing mabibili sa supermarket at kadalasan ay de lata at ibang processed food na lamang ang mapagpipilian. Hindi natatamo ng mag-anak ang kinakailangang sustansya mula sa mga sariwang pagkain. Kinakailangan na naman ng balanse.

Ang pagkaing isinisilbi sa fine dining ay isang magandang halimbawa o pattern. Ang mga Pranses ay nangunguna dito. Pansinin ang mga inihahain: tubig, kaunting tinapay at mantekilya upang sapnan ang tiyan at ihanda ito sa pagdating ng mga iba pang pagkain. Isusunod ang mainit na sopas upang gisingin ang mga digestive enzymes. Darating ang salad na siyang nagbibigay ng fiber, at appetizer na siya namang panggising sa panlasa. Matapos ay saka ihahain ang main dish na kalimitan ay malaking parte ng protina tulad ng karne, iba pang sources tulad ng isda at seafood at iba pang putahe bilang side dishes. Kasama na dito ang carbohydrate source tulad ng kanin, patatas o pasta. Panghuli ang mga inihandang himagas at prutas. May balanse.

Noong mga naunang curriculum sa dekada 60 ay itinuturo na sa Home Economics ang basic food groups na ngayon ay pinasimple na lamang sa Go, Grow at Glow food. Hindi naman kailangang maging kumplikado kung kailangang magkaroon ng balanse sa paghahain ng pagkain. Mayroong mga gabay na inilalahad sa atin ang National Nutrition Council - Department of Health, Ang Ten Kumainments. Kaya ano ang dapat gawin? Wastong nutrisyon ay alamin, gawin at palaganapin! Dito, may balanse. (M. Borja, CNN4A)

No comments:

Post a Comment